(06 Marso 2025, Citadines, Quezon City) - Tungo sa layuning inklusibong pag-unlad, isinagawa ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) ang Capacity Development and Empowerment Training (CDET) para sa mga lider at chieftains ng mga katutubong pamayanan sa loob ng ecozone. Ang inisyatibong ito ay naglalayong ihayag ang bagong estratehikong direksyon ng APECO sa ilalim ng bago nitong pamunuan kung saan kabilang dito ang pagsasakatuparan ng pagbibigay suporta sa lokal na komunidad lalo na sa ating mga kapatid na katutubo.
Sa unang araw ng kaganapang ito ay pinasimulan ng Community Relations Chief na si Ms. Lhuzed Anne Jandoc ang programa sa pagtatalakay ng mga naturang layunin at suliranin ng panibagong pamunuan ng APECO tulad na lamang ng pagkakaroon ng pagkakaisa at inklusibong pag-unlad kasama ang mga lokal na komunidad. Bahagi rin ng kanyang mga tinalakay ay ang mga programang kasalukuyang isinasaayos at binubuo para sa karagdagang oportunidad sa pangkabuhayan ng mga lokal na manggagawa. Kasunod nito ay tinalakay ng Business Development and Division Manager na si Mr. Gene Angelo P. Ferrer ang komprehensibong estratehikong direksyon na pinagsisikapan at pinagtatrabahuhan ng panibagong pamunuan tungo sa patuloy na pagpapa-unlad ng lokal na ekonomiya ng Aurora. Inaasahang sa pagbubukas ng mga karagdagang imprastraktura tulad ng Central Water Supply and Reservoir, Material Recovery Facility at Super Health Center na na pinasinayaan noong Pebrero ay makatutulong ito sa paghihikayat ng mga panibagong mamumuhunan sa loob ng ecozone. Sa pagsasara ng unang araw ng programa ay binigyang diin ni Deputy Administrator Mr. Angelo Gabriel D. Mantuano na bagama’t bago pa lamang ang panibagong pamunuan ay ipinapangako nito na tunay na maaasahan at na makikitaan ng pangmatagalang bunga ang mga pangkasalukuyang isinasagawang pagsasaayos at pagbubukas ng mga panibagong prokeyto sa ilalim ng panibagong pamunuan ng APECO.
Sa ikalawang araw ng programa, ipinasyal ang mga kalahok sa bagong APECO satellite office sa Maynila upang iparamdam ang mabilisang pagbabago na isinasagawa ng bagong pamunuan kung saan makakatipid ang APECO ng P4M na maaring gamitin sa ibang proyekto. Alinsunod dito, ay pinangunahan ni Corporate Planning Division Manager na si Ms. Ma. Cristina G. Suaverdez ang pagtalakay sa pangkalahatang plano ng bagong administrasyon, kung saan bahagi rin nito ay ang pagbibigay linaw sa mga pangunahing isyu na nag-ugat mula sa maling impormasyon at maling pananaw. Kabilang dito ay ang pagbibigay-linaw na hindi lamang nakatuon ang pangkasalukuyang administrasyon sa pagpapatayo ng mga imprastraktura kundi pati na rin sa tunay na paglilingkod sa lokal na komunidad.
Sa pagtatapos ng programa, ay ipinahayag ng pamunuan ng APECO na kailanman ay walang kapatid na katutubo ang paaalisin o tatanggalan ng lupa. Kasabay nito ay ang pagbibigay diin sa walang humpay nitong pangako na walang proyektong gagawin ang APECO nang walang pahintulot ng ating mga kapatid na katutubo at na makatitiyak ang lokal na komunidad na mananatiling bukas ang pinto ng pamunuan tungo sa mas maliwanag at maunlad na hinaharap.